Monday, January 11, 2010

Nurse Boi


Ilang araw na tayong hindi nagkikita. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Hinahanap ng katawan ko ang maiinit mong yakap. Nasasabik sa tamis ng iyong mga halik. Ang ngiti mong pumapawi sa hapo ng aking katawan. Hindi ko maiwasang mangarap na kapag magkasama tayo, sana hindi na matapos ang araw. Sana huminto ang pagtakbo ng oras. Ibang galak ang naiidudulot mo tuwing magkahawak an gating mga kamay. Hindi ko maiwasang maalala ang unang pagkikita natin…


Pangalawang beses kong pumunta noon sa Malate pagkatapos ng napakahabang panahon. Kasama ko noon ang dalawang kaibigan, si Matt at si Jobert. Ang isa ay beterano na sa kalakaran ng lugar samantalang ang huli ay bago, walang muwang sa mga maaaring mangyari. Unang beses makapunta ni Jobert sa Malate. Si Jobert ay isang tipikal na bading na hindi pumapatol sa mga bading na lalaki kung kumilos. Ang hilig niya ay mga straight. Noong una ay kinakabahan ako dahil baka hindi siya maging masaya sa lugar. Pero nakumbinsi namin siyang sumama kaya naisip ko na wala ng atrasan.

Uminom muna kami. Pulang Kabayo ang iniinom ko samantalang ang dalawa ay San Mig Light. Gusto kong malasing agad noon. Gusto kong makawala sa nagpipigil na sarili ko. Gusto kong makalimutan ang problema ko. Noong mga panahong iyon eh kami pa ni Master Jedi subalit madalas na ang aming pag-aaway. Ilang bote pa lang ang naiinom ko at dahil sa pagod din ako, unti-unting tumatalab ang alak sa katawan ko. Malakas na ang loob ko.

Hating-gabi na noong mapagpasyahan naming pumasok na sa loob ng bar. Isa sa pinakakilalang bar ng mga taong kagaya ko. Medyo mahal ang entrance fee pagkatapos ay isang alak lang ang kasama. Pero kahit ganun, gusto namin ang lugar. Doon namin balak matikman ni Jobert ang una niyang karanasan sa Malate. Pagpasok sa loob, marami na ang tao. Hindi naman kami nahirapan sa pagpunta sa lugar namin. Lugar kung saan laging nakakakuha si Matt. Kagaya ng dati, kumakabog ang dibdib ko sa musika. Nakabibingi sa lakas ang tugtog. Dahil sa espiritu ng alak, sinasabayan ko na ng indayog ang tugtog. Sayaw dito, sayaw doon.

Hindi pa ako nag-iinit sa dance floor ng pamansin kita. Subalit kahit na naka-inom na ako at may lakas ng loob, hindi kita magawang lapitan. Hinayaan ko lang ang mga mata ko sa pagtunghay sa’yo kasabay ng pag-sayaw ko ng walang hinto. Napansin ko na may nakuha ng kasayaw si Matt, ganun din si Jobert. Mag-isa akong sumasayaw. Walang akong pakialam sa ibang tao sa paligid ko. Palihim kitang inoobserbahan. Gusto kitang lapitan subalit napanghihinaan ako ng loob. Hindi ko malaman kung bakit.

Lumipas ang oras. Pareho pa ring may kasayawan si Jobert at Matt. Dumating sa punto dalawa ang naging kasayawan ni Jobert. Sabay. Ipinakilala ako ni Jobert sa kasayawan niya. Laking gulat ko noong ipakilala ka ng kasayawan ni Jobert. Hindi ko akalain na kaibigan ka ng kasayawan ng kaibigan ko. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Lumakas ang kabog sa dibdib ko. Tuluyan na akong iniwan ni Jobert at Matt. Pareho na silang abala sa pagsasayaw.

Nilapitan kita. Tinanong uli ang pangalan mo. Nagtanong ng mga bagay-bagay subalit napaka-tipid mo sa pagsagot. Nakadama ako ng hiya. Bumaba ang tingin ko sa sarili ko. Inisip ko na baka hindi mo ako tipo. Kung anu-ano ang iniisip ko. Wala pa rin akong lakas ng loob kahit nagka-usap na tayo at naipakilala sa isa’t isa. Sinubukan kitang sayawan subalit tila hindi ka nadadala. Nakatitig ka lang sa mga nagsasayaw sa ledge.

Kinausap kita uli. Tinanong kung saan ka nag-aral. Kung ano ang trabaho mo. Sumagot ka naman. Unti-unti akong nabuhayan ng loob. Naglakas loob akong hawakan ka sa bewang. Hindi ka pumalag…

(Itutuloy…)
====>>>
Till then... Angel will spread his wings and fly...

No comments:

Post a Comment